Showing posts with label poem. Show all posts
Showing posts with label poem. Show all posts

Tuesday, June 4, 2013

Ignis


Unang sulyap pa lang ay batid ko na
Ikaw ang papawi sa lamig at pangungulila
Kaya sana'y tupdin yaring pagsusumamo
Nitong nagyeyelo kong pagkatao at puso

Sa init mong taglay ako ay nahalina
Ang nais kong liwanag sayo'y natamasa
Sa taglay mong lagablab ako'y nasasabik
Kahit pa ako'y mapaso, sayo ako'y magbabalik


~and on that note, I shall now end this obsession with le gorgeous neighbor.

Monday, May 27, 2013

Luna



Kulay dilaw
Abot langit ang tingin
Iihip ang hangin
Saka ako’y mapupuwing
Lalabas ang luha
Hindi sinasadya

Kay lawak
Kay ganda
Hindi na mapipikit
At saka tatangis
Ngayon ko lang
Nasilayan ng ganyan
Waring may sinasabi
Siya ba o ang tibok mo?
Ayoko ng ganito.

Ang itim na tahimik
Kay lungkot tulad ng dati
Walang katabi
Wala ang mga bituin
Pumapaimbabaw,malungkot pa rin





Monday, January 21, 2013

Sino ang Masa

Ito ang kauna-unahang kong tula na naisa-publiko gamit ang internet. 
Ito ay naisulat bilang sagot sa kantang "Theme from Noontime Show" ng bandang Itchyworms. Hindi ako sang-ayon sa kanta nila at sawang sawa na akong marinig ang mga taong lagi na lang sinisisi ang masa. At isa pa, peyborit ng lola ko si Willie. Mwehehehe. 
Unang naisulat itong mga tugmang ito noong 2007 sa rakista.com v1 Literature Forums. Nakakatawa lang kasi yung isa sa miyembro ng bandang ito ay mapapanood na ngayon sa isa sa pinakasikat na noontime show sa bansa. ~this is your show, this is your time.~

Sino ang masa?
Ang masa ba ay mangmang?
Ang masa ba ay bayaran?
Siya ba ang dahilan
sa pagkalugmok at kahirapan?

Sino ang masa?
Ito ba ang karamihan?
Kabilang ba ako sa
tinuturing na latak ng lipunan?

Sino ang masa?
Kailan mo masasabing di ka
isa sa kanila?
Kapag ba mayaman ka?
Kapag ba naiiba ang iyong musika?

Sino ang masa?
Sila ang sinisisi
Ngunit ang mga kandidato,
tuwing eleksyon sa kanila kumakampi.

Sino ang masa?
Ikaw.
Ikaw na nandidiri sa kanila.
May nagawa ka na ba para
mabago ang sistema?

Sino ang masa?
Sila ay mga bayani.

Bago sa pandinig hindi ba?
Ang masa ay mga bayani.
Pagkat ano pa ang mas dadakila
sa pagsalo ng masalimuot na bungang
kasaysayan ang may sala.

Sunday, December 30, 2012

Masilungan

Ano pa ba ang silbi ng bawat umaga
Kung sa bawat paggising ay wala ka
Kahit sulyap lang sa iyo ay hindi natatamasa
Siguro ito na nga, tapos na.

Hindi ko na ipipilit kung ito talaga ang nakatakda
Kahit hindi naman talaga ako naniniwala sa tadhana
Kung ito ang makabubuti, hahayaan ko na nga
Na magwakas itong ating pagiibigan na akala nati'y di magsasawa

Pagkat iba na ako, iba ka na, iba na ang tayo
Mga pagkakaibang pareho nating hindi gusto
Marahil hindi natin alam kung paano tayo humantong sa ganito
Ngunit kailangan nating tanggapin ang pareho nating alam, kailangan na nating wakasan ito.      

Monday, October 8, 2012

Chining

Tanda ko pa noon, ikaw ang pantasya
Ng bawat lalaki sa ating probinsya
Pagkat ikaw ay laging may libreng passes sa sinehan
Kung saan ikaw dati ay namamasukan

Mapintog na dibdib at makinis na binti
Ikaw ang pangarap kong maging sa aking paglaki
Ikaw ang palaging pinaguusapan ng mga lasing
Ngunit asan na ngayon ang iyong ningning

Namumuting buhok at kulubot na balat
Malamlam na mata at mga kamay na sa pera ay salat
Bitbit ang isang sanggol na iyak ng iyak
Wala na ang lahat ng iyong halimuyak

Friday, May 18, 2012

Pagbawi

Ang aking pagkatao ay kay tagal ring nawala
Pagkat nilamon ng banyagang wika ang aking dila
Mga huwad na damdamin at hilaw na salita
Ang siyang tumalima sa aking diwa

Subali't ngayon ay aking ng binabawi
Ang adhika at ritmo nitong aking lahi
Tama na ang pakikibagay at pagkukunwari
Wagas na damdamin ay akin ng isisipi