Wednesday, August 1, 2012

Ang Tulog na Ninja

I used to write short stories and poems when I was young and carefree. This is one of my favorite composition because it has the most solid story line and I have written this on the peak of my young love. Writing this was a breeze because it felt like I was possessed by a really strong feeling and words come out naturally. Unfortunately, I haven't felt that strong feeling, or any strong emotion for that matter, in a long time. Imo, people are most creative in their late teens and early 20s. Anyways, below is the story of a sleeping ninja that I decided to post here so it wont be lost forever just in case Ridz of rakista.com decides to finally delete the old rakista.com site, like what happened to the rakista blogs site. The deletion of rakista blogs is like having the late teens and early 20s part of my life erased. There is even a part 2 to this ninja story but it already got deleted along with my rakista blog. Lesson: pick a stable blog hosting site.

Ang Tulog na Ninja

First posted at rakista.com version 1

Ang sikat ng araw ay nagapi na ng kadiliman, ang buong kalangitan ay nababalot na ng mga bituin at ang hangin ay nagdudulot na ng nakakapasong lamig. Mula sa bintana ng maliit na kwartong aking kinaroroonan ay wala nang maaaninag na liwanag sa parang. Marahil ay namamahinga na din ang mga diwatang naninirahan sa puno ng alatires. Ang bawat ninja ay kapiling na ang kanikanilang mga prinsesa.. At ako, kasama kita.

Pumilatak si kaibigang butiki na namamahay sa ilalim ng mesang kainan. Napansin ko tuloy na nakatengga pa ang kalderong pinaglutuan ng ginataang duhat kanina. Kay rami mong nakain kaya siguro ikaw ay agad na nahimbing.

Lumigid ang aking paningin na wariý kinakabisado ang bawat bagay, bawat marka, bawat agiw at bawat alaala na napapaloob sa kwartong ito. Hanggang sa kahit anong pigil ay nabaling ang aking tingin sa iyo. Tulog na tulog ka at parang walang pakialam sa mundo at sa taong kasama mo. Lumapit ako sa gilid ng iyong kama at sumalampak sa sahig upang makapwesto sa posisyong aking matatanaw ang iyong mukha ng pinakamalapit. Tinitigan kita at matapos ang ilang sandali ay dagliang nagbalik sa aking diwa ang nakaraan.

Sa pagkakatitig ay hindi na lang ang nakapikit mong mga mata ang nakikita. Itoy wariý naging isang telebisyong ang palabas ay ang ating nakaraang kay saya. Napapanuod ko ang tagpo kung saan, isang hapon, tayo ay nangongolekta ng sabila upang ilako sa kapitolyo.. At ang aking
pinagtataka ay tuwing kasama kita, kay halimuyak ng sabila. Waring nagbibigay ito ng kakaibang sigla, kaya siguro marami tayo noong mga suki galing India. Nalipat ang channel at ang tagpo na pumalit ay ang pangyayari kung san hinambalos ako ni Aling Tinay. Pinagtawanan ko daw kasi siya nang nadapa siya at natapon ang pinamili niyang pagkain ni Lesdi[alaga niyang isda]. Hindi ko naman talaga siya pinagtatawanan e, hindi niya alam na ang mga ngiting iyon ay dahil sabay na tayong nanunuod ng Dora. Nalipat muli ang istasyon, mukhang komersyal ata ng Tide pero wala si Tolits, malamang Ariel o baka Pride.. Hindi ko masigurado, puro mantsa kasi ang mga damit ng mga tauhan.. at.. at.. hayun pala tayo. Kakatapos lang magpagulong gulong sa burol n wariý
mga bata. Wala tayong pakialam sa mantsa bastat tayoy masaya at humahalakhak. At sa taas ng burol ay may piknik basket na puno ng KFC at mga pagkaing mula sa martir na manok. Hayan.. hayan nalilipat na naman.

Nagbalik ang tanawin sa iyong mga matang nakapinid at hilik na kay himbing.

Akoy biglang nakaramdam ng kakaibang hinaing mula sa pusong nais maglambing.. Ngunit hindi nararapat.. hindi tama.. hindi ngayon.. Upang mapawi ang nararamdaman ay muli kong niligid ang aking tanaw sa maliit na kwartong saksi sa atin. Kinakabisado ang bawat bagay, bawat marka, bawat agiw, at bawat alaala na napapaloob sa apat na sulok ng kwartong ito. Nagsisikip na ang aking dibdib ngunit tahimik pa din akong nakaupo sa tabi mo.

Gusto kong sabihing aalis na ako at marahil ay hindi na tayo muling magkikita pa pagkat hindi tama ito. Hindi pinahihintulutan ng hokage ang mayroon tayo. Ang bawat sandaling kasama ka ay takas na mga oras at alam kong iyon ay tumitigib sa iyong damdamin. Dahil hindi kita kayang ipaglaban, dahil ganito ang sitwasyon ko, at alam kong nahihirapan ka na at pagod na rin ako. Hindi ko kayang nasasaktan ka tuwing wala ako kapag kailangan mo at naririyan lamang ako sa iyong tabi kung kailan ako pupwedeng makatakas sa nagluwal. Pero hindi na lang siguro, lilisan na lamang ako at pagdilat mo ay wala na ako. Mas masakit kasi kung magpapaalam pa. Ayokong makita mong tumulo ang aking mga luha. Para kahit sa huling pagkakataon ay isipin mong matatag din naman ako kahit paano. Alam kong makakahanap ka din ng higit sa tulad ko. Yung
kaya kang pangalagaan at pasiyahin sa lahat ng oras na naisin mo.

Nangingilid ang luha sa aking mga mata, at nang maisipan kong tumayo na ay parang naging bakal ang aking buong katawan. Kahit anong pumilit kong gumalaw ay hindi ko magawa. Bawat pumiglas ay umuubos sa aking lakas. Sa gitna ng pagpupumilit na makaalpas sa pagkakatuod ay napansin kong ikay naalipungatan. Sa iyong pagdilat at sa pagtama ng ating mga paningin ay biglang nagbalik sa katinuan ang aking balintataw. Ano ba itong aking naiisip.. Bakit nga ba ako lalayo sa tangi kong ligaya, sa tanging dahilan ng pagharap ko sa bagong umaga, sa aking buhay na
kayamanan.
Aalagaan kita, poprotektahan, at mapapasaya. Ipaglalaban kita hanggat may hininga. Maiintindihan din nila ang mayron tayo.

Lalo pa akong natauhan ng iyong ipamalas ang pinakamatamis na ngiti, na kahit bagong gising ay puno pa rin ng sigla. "Malayo pa ang umaga, sige matulog ka pa". "e bakit ikaw gising ka pa? Tara dito sa tabi ko at matulog na tayo". Hawak mo ang aking kamay habang dahan dahang tinutungo ng aking sentido ang unan mo at dinama ng aking paa ang nisnis ng iyong kumot.
"Tulog ka na muli, tulog na din ako".. Sa unti unti kong paghugot ng himbing ay baon ko ang alingawngaw ng iyong hilik, ang alaala ng iyong pagkakapikit at ang pangarap na
habambuhay ay bantayan kang umidlip..

No comments:

Post a Comment