"Answer with what you see, not with what you hear."
Yan ang tip samin ng instructor nung isang araw na umattend ako ng klase sa Niners, isang review center para sa exam sa IELTS o International English Language Testing Sytem. Ito ang exam na kinukuha ng mga taong gusto mangibang bansa. Karamihang ng mga immigration agencies ay pagpasa sa IELTS exam ang unang requirement para masimulan ang pagproseso sa pagganda ng buhay mo.
Sa loob ng klaseng iyon ay kasama ko ang may humigit kumulang sa 100 taong nagnanais na iwan na ang Pilipinas at iwaksi ang kanilang pagkaPilipino. Mga taong iiwan ang kanilang inang bayan para pagsilbihan at ialay ang kanilang dunong at propesyon sa isang banyagang bansa. Masisisi ko ba sila?
Hindi naman talaga mahirap kainisan ang Pilipinas at ang pagiging Pilipino. Pumunta ka lang sa kahit anong ahensiya ng gobyerno sa araw ng Lunes, o di kaya ay baybayin ang EDSA ng nakabus o MRT kapag rush hour, o pumunta ng tanghaling tapat sa Raon o Recto. O di kaya ay parang ngayon, walang tubig sa tinitirahan kong maliit na apartment na walang aircon, tv o radyo.
Sa totoo lang, bata pa nga lang ako pangarap ko ng tumira sa New Zealand upang makipagwrestling sa mga baka, magpagulong gulong sa berdeng pastulan at maligo sa gatas. Nung paggraduate ko nga ng college, ang deadline ko sa sarili ko para makapunta sa ibang bansa ay 25 years old. Ngayon 26 na ako, hindi ko alam kung bakit at kung anong pumasok sa kukote ko at kumupas na ang pagnanais kong iyon.
Sa totoo lang nainggit lang ako sa mga kakilala kong nasa ibang bansa na kaya bigla akong nag-enroll sa Niners. Parang pag pumunta ka kasi sa ibang bansa taglay ang sipag ng pagkaPilipino ay madali kang aasenso. Dito kasi sa Pilipinas kailangan mo munang magpawis ng dugo, paabutin sa lapag ang eyebag mo, at murahin ng daan daang beses ang BIR para kumita ng pera.
"Hate is easy but love takes courage." - Hannah Harrington
Yan ang isa sa mga paboritong quote ng mga bading at tomboy at bakit nga hindi, maganda ang mensahe nito. Sa tanang buhay ko wala pa ni isang tao akong narinig na nagsabing mahal nya ang pagiging Pilipino maliban kay Sharon Cuneta. Ano na nga lang ba ang mangyayari sa Pilipinas kung si Kris Aquino na lang ang matitira dito.
Pag nagmigrate ako sa ibang bansa, sagot na nila ang tuition fee ng magiging anak ko, ang pagpapagamot sakin pag nagkasakit ako, at ang pagaalaga sakin pag tumanda na ako. Pag sa Pilipinas ako nanatili, kailangan kong kumayod hanggang uugod ugod na ako.
Sa totoo lang, alam kong hindi ko makikitang uunlad ang Pilipinas sa tanang buhay ko kahit pa hindi ako mangibang bansa. Masyadong malalim ang hukay na ginawa sa atin ng nakaraan. Ano nga ba ang difference na maidudulot ng isang tulad ko sa inflation rate ng Pilipinas ngayong 2013.
Pero isa lang siguro ang maitutulong ko, ang pagtitiwala sa bansang ito. Ang pagtitiwala na ipapamana ko sa aking mga magiging anak at apo, yung pagtitiwala na hindi naipasa ng nakaraang henerasyon sa atin. At sana ang pagtitiwalang aking itatanim sa lupain nating mayaman sa pataba ngunit salat sa pagaaruga ay umusbong balang araw.
No comments:
Post a Comment