Paunawa: Basahin muna ang kwento ng Ang Tulog na Ninja para mas maintindihan ang kwentong ito. Sa totoo lang Part 3 na nga dapat ito ng kwento ng magkasintahang Ninja pero nabura na sa mundo kasabay ng Rakista.com v1 Blogs yung Part 2 na may pamagat na Ang Pagod na Ninja.
Sa lupain ng alatires, duhat at mga ninjang tagapagligtas ay panahon na naman ng mga basang kili kili. Dumudungaw na ang haring araw upang maghasik na muli ng asim, ngunit kahit pinupunit na ng kanyang sinag ang kadiliman ay waring gabi pa din sa aking isipan.
Habang nakahiga sa madamong parang ay nagninilay ako kung tama ba ang ginawa kong paglisan sa apat na sulok ng mundong kumulong sa atin mula sa malupit na mundo. Ang kwartong nagbigay sa atin ng huwad na ligaya sa loob ng maraming taon.
Ang lawa na parang ating lababo, pero walang di nahugasang mga pinggan at kaldero. Ang ulap na parang ating kisame ngunit walang agiw at pumipilatak na butiki. Isang kakaibang mundo ang kinalalagyan ko.
Hindi ako makahinga.
Baka mali, baka dapat na akong bumalik sa dating gawi. Baka hindi naman talaga ako para sa malawak na mundong ito.
Pero bakit kailangan kong mamili. Bakit hindi pwedeng makasama kitang maglambitin sa mga puno at magtampisaw sa batis at makipagpatintero sa mga alitaptap. Andami kong tanong kahit alam ko naman ang sagot.
Dahil hindi naman ako isang prinsesa.
Dahil isa akong babaeng ninja. Pero kahit ganon, gusto ko din naman na maramdaman kung paano mailigtas. Patawad dahil kagaya rin pala nila ako. Nakakapagod na kasing lumaban.
Minsan gusto rin ng ninjang ito na maupo muna at suklayin ang mahaba nyang buhok na matagal ng nakatali.
Minsan gusto rin ng ninjang ito na maupo muna at suklayin ang mahaba nyang buhok na matagal ng nakatali.
No comments:
Post a Comment