Wednesday, March 27, 2013

Para sa Lalakeng Umaapoy ang Talampakan

Kung hindi ka lalake at kung hindi umaapoy ang talampakan mo, wag mo ng basahin ito dahil masasayang lang ang oras mo na sanay nagamit mo para pagyamanin ang kaalaman mo gamit ang internet.

Pero kung ikaw yung lalakeng umaapoy ang talampakan, para sa'yo ito. Alam kong hindi ka naman mahilig magbasa kaya hindi mo ito babasahin ng buo at pupunta ka na agad sa ending. Pero please lang basahin mo lahat.

Dear A,
Sa totoo lang, akala ko hindi mo na ako kayang saktan. Nung tumawag ka para makipagkita at tinanggihan kita, pakiramdam ko nakamove on na ako. Siguro kasi kumakain ako ng matinik na isda nung tumawag ka kaya medyo busy ako nun at hindi ko agad naisip. 
Pero nagumpisa ang lahat nung minsang kumain ako sa SM isang Linggo ng gabi. Andaming tao at andaming pamilya. Tapos naisip ko na bakit ganun, pag nagkaanak na yung magasawa parang nawawala na yung pagmamahal nila sa isa't isa. Puro yung anak na lang lage. Tapos naisip ko yung napagusapan natin dati na pag nagkaanak tayo ng kuba, tatawagin natin siyang Saymac (Saya Machine) at pagtatawanan natin siya. Tapos andami kong naisip pagkatapos nun at hindi ako makahinga pero hindi pwedeng umiyak kasi nasa SM ako. 
Sa totoo lang ilang beses ko ng tinangkang sumulat dito ng mga bagay na natutunan ko mula sa walong taon ng relasyon natin pero parang hilaw na mga aral ang naiisip ko. Siguro dahil meron pa akong isang bagay na dapat gawin para maitama ang ikaw at ako at maituwid ang tayo. 
Sa buong pagsasama natin, lagi na lang ikaw ang sinisisi ko sa mga bagay bagay. Hindi ko kailanman naisip na maraming marami rin pala akong pagkakamali. 
Patawad kung hindi kita maipakilala sa magulang ko. Hindi mo kasalanan na wala kang maipagmamalaki sa tatay ko, kasalanan ko dahil hindi ko man lang naisip na ipagtanggol ka o ipaunawa sa kanila na mabuti kang tao. 
Patawad kung hindi tayo palaging nagkikita. Hindi mo kasalanan na hindi mo ako mapuntahan, kasalanan ko na hindi ko maintindihan ang sitwasyon mo. 
Patawad kung nagkaron ka ng ibang mga babae. Kasalanan mo yun. Oo kasalanan mo talaga yun, pero kasalanan ko din kasi marami akong pagkukulang sayo at hindi kita minahal ng higit sa makakaya ko. 
At patawad kung sumuko na ako. Hindi mo kasalanan kung hindi mo na ako pinaglaban, kasalanan ko yun dahil sumuko ako. 
Sa lahat lahat lahat, patawad. At sa lahat lahat lahat, pinapatawad na kita. 
Maswete ang mga makakatuluyan natin dahil pareho tayong marami natutunan sa walong taon ng ating pagkakaibigan at pagmamahalan.  
Hanggang dito na lang ang mga sakit at saya na idudulot natin sa isa't isa. 
Paalam.




No comments:

Post a Comment