Showing posts with label composition. Show all posts
Showing posts with label composition. Show all posts

Tuesday, June 4, 2013

Ignis


Unang sulyap pa lang ay batid ko na
Ikaw ang papawi sa lamig at pangungulila
Kaya sana'y tupdin yaring pagsusumamo
Nitong nagyeyelo kong pagkatao at puso

Sa init mong taglay ako ay nahalina
Ang nais kong liwanag sayo'y natamasa
Sa taglay mong lagablab ako'y nasasabik
Kahit pa ako'y mapaso, sayo ako'y magbabalik


~and on that note, I shall now end this obsession with le gorgeous neighbor.

Monday, May 27, 2013

Luna



Kulay dilaw
Abot langit ang tingin
Iihip ang hangin
Saka ako’y mapupuwing
Lalabas ang luha
Hindi sinasadya

Kay lawak
Kay ganda
Hindi na mapipikit
At saka tatangis
Ngayon ko lang
Nasilayan ng ganyan
Waring may sinasabi
Siya ba o ang tibok mo?
Ayoko ng ganito.

Ang itim na tahimik
Kay lungkot tulad ng dati
Walang katabi
Wala ang mga bituin
Pumapaimbabaw,malungkot pa rin





Friday, May 10, 2013

Goodbye Philippines

"Answer with what you see, not with what you hear." 

Yan ang tip samin ng instructor nung isang araw na umattend ako ng klase sa Niners, isang review center para sa exam sa IELTS o International English Language Testing Sytem. Ito ang exam na kinukuha ng mga taong gusto mangibang bansa. Karamihang ng mga immigration agencies ay pagpasa sa IELTS exam ang unang requirement para masimulan ang pagproseso sa pagganda ng buhay mo.

Sa loob ng klaseng iyon ay kasama ko ang may humigit kumulang sa 100 taong nagnanais na iwan na ang Pilipinas at iwaksi ang kanilang pagkaPilipino. Mga taong iiwan ang kanilang inang bayan para pagsilbihan at ialay ang kanilang dunong at propesyon sa isang banyagang bansa. Masisisi ko ba sila? 

Monday, January 21, 2013

Sino ang Masa

Ito ang kauna-unahang kong tula na naisa-publiko gamit ang internet. 
Ito ay naisulat bilang sagot sa kantang "Theme from Noontime Show" ng bandang Itchyworms. Hindi ako sang-ayon sa kanta nila at sawang sawa na akong marinig ang mga taong lagi na lang sinisisi ang masa. At isa pa, peyborit ng lola ko si Willie. Mwehehehe. 
Unang naisulat itong mga tugmang ito noong 2007 sa rakista.com v1 Literature Forums. Nakakatawa lang kasi yung isa sa miyembro ng bandang ito ay mapapanood na ngayon sa isa sa pinakasikat na noontime show sa bansa. ~this is your show, this is your time.~

Sino ang masa?
Ang masa ba ay mangmang?
Ang masa ba ay bayaran?
Siya ba ang dahilan
sa pagkalugmok at kahirapan?

Sino ang masa?
Ito ba ang karamihan?
Kabilang ba ako sa
tinuturing na latak ng lipunan?

Sino ang masa?
Kailan mo masasabing di ka
isa sa kanila?
Kapag ba mayaman ka?
Kapag ba naiiba ang iyong musika?

Sino ang masa?
Sila ang sinisisi
Ngunit ang mga kandidato,
tuwing eleksyon sa kanila kumakampi.

Sino ang masa?
Ikaw.
Ikaw na nandidiri sa kanila.
May nagawa ka na ba para
mabago ang sistema?

Sino ang masa?
Sila ay mga bayani.

Bago sa pandinig hindi ba?
Ang masa ay mga bayani.
Pagkat ano pa ang mas dadakila
sa pagsalo ng masalimuot na bungang
kasaysayan ang may sala.

Sunday, December 30, 2012

Masilungan

Ano pa ba ang silbi ng bawat umaga
Kung sa bawat paggising ay wala ka
Kahit sulyap lang sa iyo ay hindi natatamasa
Siguro ito na nga, tapos na.

Hindi ko na ipipilit kung ito talaga ang nakatakda
Kahit hindi naman talaga ako naniniwala sa tadhana
Kung ito ang makabubuti, hahayaan ko na nga
Na magwakas itong ating pagiibigan na akala nati'y di magsasawa

Pagkat iba na ako, iba ka na, iba na ang tayo
Mga pagkakaibang pareho nating hindi gusto
Marahil hindi natin alam kung paano tayo humantong sa ganito
Ngunit kailangan nating tanggapin ang pareho nating alam, kailangan na nating wakasan ito.      

Monday, October 8, 2012

Chining

Tanda ko pa noon, ikaw ang pantasya
Ng bawat lalaki sa ating probinsya
Pagkat ikaw ay laging may libreng passes sa sinehan
Kung saan ikaw dati ay namamasukan

Mapintog na dibdib at makinis na binti
Ikaw ang pangarap kong maging sa aking paglaki
Ikaw ang palaging pinaguusapan ng mga lasing
Ngunit asan na ngayon ang iyong ningning

Namumuting buhok at kulubot na balat
Malamlam na mata at mga kamay na sa pera ay salat
Bitbit ang isang sanggol na iyak ng iyak
Wala na ang lahat ng iyong halimuyak

Ang Pamamaalam ng Ninja

Paunawa: Basahin muna ang kwento ng Ang Tulog na Ninja para mas maintindihan ang kwentong ito. Sa totoo lang Part 3 na nga dapat ito ng kwento ng magkasintahang Ninja pero nabura na sa mundo kasabay ng Rakista.com v1 Blogs yung Part 2 na may pamagat na Ang Pagod na Ninja.


Sa lupain ng alatires, duhat at mga ninjang tagapagligtas ay panahon na naman ng mga basang kili kili. Dumudungaw na ang haring araw upang maghasik na muli ng asim, ngunit kahit pinupunit na ng kanyang sinag ang kadiliman ay waring gabi pa din sa aking isipan.

Habang nakahiga sa madamong parang ay nagninilay ako kung tama ba ang ginawa kong paglisan sa apat na sulok ng mundong kumulong sa atin mula sa malupit na mundo. Ang kwartong nagbigay sa atin ng huwad na ligaya sa loob ng maraming taon.

Ang lawa na parang ating lababo, pero walang di nahugasang mga pinggan at kaldero. Ang ulap na parang ating kisame ngunit walang agiw at pumipilatak na butiki. Isang kakaibang mundo ang kinalalagyan ko. 

Hindi ako makahinga.

Baka mali, baka dapat na akong bumalik sa dating gawi. Baka hindi naman talaga ako para sa malawak na mundong ito.

Pero bakit kailangan kong mamili. Bakit hindi pwedeng makasama kitang maglambitin sa mga puno at magtampisaw sa batis at makipagpatintero sa mga alitaptap. Andami kong tanong kahit alam ko naman ang sagot.

Dahil hindi naman ako isang prinsesa.

Dahil isa akong babaeng ninja. Pero kahit ganon, gusto ko din naman na maramdaman kung paano mailigtas. Patawad dahil kagaya rin pala nila ako. Nakakapagod na kasing lumaban.
Minsan gusto rin ng ninjang ito na maupo muna at suklayin ang mahaba nyang buhok na matagal ng nakatali.

Monday, September 17, 2012

Nilagang Mani Syndrome


Try it, Believe it.


Bumili ako ng isang plastik ng mani na halagang sampung piso noong Linggo bago ako umuwi dito sa apartment. Habang nginangasab ko ang nasabing nilagang mani at lumalanghap ng sariwang hangin sa cyberspace ay biglang kong napansin na ang bawat piraso ng mani ay iba iba. May malaking basa, tuyot na maliit, malaking balat pero maliit ang laman, may siksik na siksik at namumutok ang laman, may madaling buksan, may marupok na balat, may maalat, may nakakatinga. Ewan ko kung nakapansin ka na ng ganitong espesyal na katangian sa isang chocolate box, pero masasabi kong sa mani, OO. Dahil bawat mani ay natatangi.

Wednesday, August 1, 2012

Ang Tulog na Ninja

I used to write short stories and poems when I was young and carefree. This is one of my favorite composition because it has the most solid story line and I have written this on the peak of my young love. Writing this was a breeze because it felt like I was possessed by a really strong feeling and words come out naturally. Unfortunately, I haven't felt that strong feeling, or any strong emotion for that matter, in a long time. Imo, people are most creative in their late teens and early 20s. Anyways, below is the story of a sleeping ninja that I decided to post here so it wont be lost forever just in case Ridz of rakista.com decides to finally delete the old rakista.com site, like what happened to the rakista blogs site. The deletion of rakista blogs is like having the late teens and early 20s part of my life erased. There is even a part 2 to this ninja story but it already got deleted along with my rakista blog. Lesson: pick a stable blog hosting site.

Ang Tulog na Ninja

First posted at rakista.com version 1

Ang sikat ng araw ay nagapi na ng kadiliman, ang buong kalangitan ay nababalot na ng mga bituin at ang hangin ay nagdudulot na ng nakakapasong lamig. Mula sa bintana ng maliit na kwartong aking kinaroroonan ay wala nang maaaninag na liwanag sa parang. Marahil ay namamahinga na din ang mga diwatang naninirahan sa puno ng alatires. Ang bawat ninja ay kapiling na ang kanikanilang mga prinsesa.. At ako, kasama kita.

Pumilatak si kaibigang butiki na namamahay sa ilalim ng mesang kainan. Napansin ko tuloy na nakatengga pa ang kalderong pinaglutuan ng ginataang duhat kanina. Kay rami mong nakain kaya siguro ikaw ay agad na nahimbing.

Lumigid ang aking paningin na wariý kinakabisado ang bawat bagay, bawat marka, bawat agiw at bawat alaala na napapaloob sa kwartong ito. Hanggang sa kahit anong pigil ay nabaling ang aking tingin sa iyo. Tulog na tulog ka at parang walang pakialam sa mundo at sa taong kasama mo. Lumapit ako sa gilid ng iyong kama at sumalampak sa sahig upang makapwesto sa posisyong aking matatanaw ang iyong mukha ng pinakamalapit. Tinitigan kita at matapos ang ilang sandali ay dagliang nagbalik sa aking diwa ang nakaraan.

Sa pagkakatitig ay hindi na lang ang nakapikit mong mga mata ang nakikita. Itoy wariý naging isang telebisyong ang palabas ay ang ating nakaraang kay saya. Napapanuod ko ang tagpo kung saan, isang hapon, tayo ay nangongolekta ng sabila upang ilako sa kapitolyo.. At ang aking
pinagtataka ay tuwing kasama kita, kay halimuyak ng sabila. Waring nagbibigay ito ng kakaibang sigla, kaya siguro marami tayo noong mga suki galing India. Nalipat ang channel at ang tagpo na pumalit ay ang pangyayari kung san hinambalos ako ni Aling Tinay. Pinagtawanan ko daw kasi siya nang nadapa siya at natapon ang pinamili niyang pagkain ni Lesdi[alaga niyang isda]. Hindi ko naman talaga siya pinagtatawanan e, hindi niya alam na ang mga ngiting iyon ay dahil sabay na tayong nanunuod ng Dora. Nalipat muli ang istasyon, mukhang komersyal ata ng Tide pero wala si Tolits, malamang Ariel o baka Pride.. Hindi ko masigurado, puro mantsa kasi ang mga damit ng mga tauhan.. at.. at.. hayun pala tayo. Kakatapos lang magpagulong gulong sa burol n wariý
mga bata. Wala tayong pakialam sa mantsa bastat tayoy masaya at humahalakhak. At sa taas ng burol ay may piknik basket na puno ng KFC at mga pagkaing mula sa martir na manok. Hayan.. hayan nalilipat na naman.

Nagbalik ang tanawin sa iyong mga matang nakapinid at hilik na kay himbing.

Akoy biglang nakaramdam ng kakaibang hinaing mula sa pusong nais maglambing.. Ngunit hindi nararapat.. hindi tama.. hindi ngayon.. Upang mapawi ang nararamdaman ay muli kong niligid ang aking tanaw sa maliit na kwartong saksi sa atin. Kinakabisado ang bawat bagay, bawat marka, bawat agiw, at bawat alaala na napapaloob sa apat na sulok ng kwartong ito. Nagsisikip na ang aking dibdib ngunit tahimik pa din akong nakaupo sa tabi mo.

Gusto kong sabihing aalis na ako at marahil ay hindi na tayo muling magkikita pa pagkat hindi tama ito. Hindi pinahihintulutan ng hokage ang mayroon tayo. Ang bawat sandaling kasama ka ay takas na mga oras at alam kong iyon ay tumitigib sa iyong damdamin. Dahil hindi kita kayang ipaglaban, dahil ganito ang sitwasyon ko, at alam kong nahihirapan ka na at pagod na rin ako. Hindi ko kayang nasasaktan ka tuwing wala ako kapag kailangan mo at naririyan lamang ako sa iyong tabi kung kailan ako pupwedeng makatakas sa nagluwal. Pero hindi na lang siguro, lilisan na lamang ako at pagdilat mo ay wala na ako. Mas masakit kasi kung magpapaalam pa. Ayokong makita mong tumulo ang aking mga luha. Para kahit sa huling pagkakataon ay isipin mong matatag din naman ako kahit paano. Alam kong makakahanap ka din ng higit sa tulad ko. Yung
kaya kang pangalagaan at pasiyahin sa lahat ng oras na naisin mo.

Nangingilid ang luha sa aking mga mata, at nang maisipan kong tumayo na ay parang naging bakal ang aking buong katawan. Kahit anong pumilit kong gumalaw ay hindi ko magawa. Bawat pumiglas ay umuubos sa aking lakas. Sa gitna ng pagpupumilit na makaalpas sa pagkakatuod ay napansin kong ikay naalipungatan. Sa iyong pagdilat at sa pagtama ng ating mga paningin ay biglang nagbalik sa katinuan ang aking balintataw. Ano ba itong aking naiisip.. Bakit nga ba ako lalayo sa tangi kong ligaya, sa tanging dahilan ng pagharap ko sa bagong umaga, sa aking buhay na
kayamanan.
Aalagaan kita, poprotektahan, at mapapasaya. Ipaglalaban kita hanggat may hininga. Maiintindihan din nila ang mayron tayo.

Lalo pa akong natauhan ng iyong ipamalas ang pinakamatamis na ngiti, na kahit bagong gising ay puno pa rin ng sigla. "Malayo pa ang umaga, sige matulog ka pa". "e bakit ikaw gising ka pa? Tara dito sa tabi ko at matulog na tayo". Hawak mo ang aking kamay habang dahan dahang tinutungo ng aking sentido ang unan mo at dinama ng aking paa ang nisnis ng iyong kumot.
"Tulog ka na muli, tulog na din ako".. Sa unti unti kong paghugot ng himbing ay baon ko ang alingawngaw ng iyong hilik, ang alaala ng iyong pagkakapikit at ang pangarap na
habambuhay ay bantayan kang umidlip..

Tuesday, June 12, 2012

Kalayaan 2012

Kagabi ay nakatanggap ako ng email mula sa isang employer sa Doha, Qatar. May job opening sa posisyon ng Desktop Support Specialist sa kumpanyang Halian na nakabase sa bansa na mura ang langis. Nang mabasa ko ang email na ito ay minessage ko agad ang tito ko na kasalukuyang nakatira at nagtatrabaho sa Qatar. Naexcite din siya kaya tinawagan niya pa ako at niresearch pa nila ng tita ko ang kumpanyang Halian. 

Pag-asa. Nakalagay kasi sa job description na magiinstall sa mga desktop. Naalala ko ang trabaho ko sa Land Bank. Naisip ko na baka sakaling sa trabahong ito ay magkaron ulit ako ng chansang makapagbyahe byahe. O kaya kung mataas ang sweldo ko ay magkaron ako ng sapat na pera para makapamasyal sa Europe kasi yun talaga ang pangarap ko sa buhay. Ang malibot ang buong mundo.

Naisip ko din na seryosohin na ang pagaapply ng migration sa New Zealand. Balak ko nga na mag-aral para sa IELTS exam at makapasa bago matapos ang taong ito at kumuha ng Masteral ng IT sa La Salle sa 2013.
Kaso sa pagkakandarapa kong makaalis ng bansa ay natisod ako sa isang blog entry mula sa mas bata kong sarili. Saktong dalawang taon na ang nakakalipas ay naisulat ko ito:

At kahit marumi na ang pangmasang imahen ni Sharon Cuneta at pati na rin ni KC Concepcion. Tama nga naman, dahil kagaya ng kaligayahan, ang kalayaan ay para sa lahat ng mga taong pumipili dito. 

Alam naman nating lahat na alipin tayo ng iba't ibang ehemplo ng lipunan pero nasa sa atin kung pipiliin ba nating tayuan ng DMCI homes ang ating mga puntod o umalpas sa kamangmangan at kahirapan na ipinamana sa atin ng nakaraan henerasyon.

Hindi ko alam kung saan nangggaling yung mga ideya ko sa huling paragraph. Kung paanong ang paghahanap ng trabaho sa ibang bansa ay napunta sa DMCI homes pero ang alam ko, panalo talaga dapat si Pacquiao laban kay Bradley.



Friday, May 18, 2012

Pagbawi

Ang aking pagkatao ay kay tagal ring nawala
Pagkat nilamon ng banyagang wika ang aking dila
Mga huwad na damdamin at hilaw na salita
Ang siyang tumalima sa aking diwa

Subali't ngayon ay aking ng binabawi
Ang adhika at ritmo nitong aking lahi
Tama na ang pakikibagay at pagkukunwari
Wagas na damdamin ay akin ng isisipi